Sa loob ng tatlong buwan mula nang kami ay nagkakilala ay masinsinan ang pagpapakitang-gilas ko kay Christine. Basta sa tuwing may problema siya kahit na maliliit na bagay lamang ay sinisigurado ko na nandoon ako at handang tumulong. Mga problema sa computer, aberya sa kotse, pati-pag download ng mga mp3s para sa Ipod nya ginagawa ko mapakita ko lamang na ako ang kanyang knight in the shining armour.
Hindi lang yun, kung anuman ang masabi nya na gusto nya, ni-re-research ko talaga. Minsang nasa Figaro kami, nabanggit nya na ang paboritong dessert nya raw ay cheesecake. ‘Pag uwi ko ng bahay gamit ang google ay sandamakmak na recipe ng cheesecakes ang tiningnan ko. Chocolate chip cheesecake, strawberry cheesecake, cherry coffee cake, lemon cheesecake, cookies and cream cheesecake, marble brownie cheesecake, coconut choco cheesecake, butterscotch cheesecake, philadelphia classic cheesecake at maraming-marami pang iba. Meron pa ngang recipe na cheeseless cheesecake ang pangalan. Ang labo ‘no? So kung walang cheese yun dapat hindi yun tawaging cheesecake ‘di ba?
Grabe na ‘to, pards. Obsessed na yata talaga ako kay Christine.
Lumipas pa ang maraming tagpuan at sa tingin ko ay nahuhulog na rin ang loob ni Christine sa akin. Tulad ng napapansin ng mga tao ay para daw mag M.U. (mag un) na kami. Hindi lang tuwing friday prayer meeting kasi kami nagkikita, madalas na rin kaming sabay mag-lunch. At kapag kami ay magkasama, kumikinang daw pareho ang aming mga mata.
Hanggang sa hindi ko na talaga kayang itago pa sa kanya ang tunay kong nararamdaman; magtatapat na ako sa kanya. Simple lang naman ang gagawin kong diskarte. Sa susunod na prayer meeting ay yayayain ko siyang mag-dinner kami instead na mag-kape lang.
Bale ang plano ko ay ganito: six-course candlelight dinner sa Tower Club. Naks, astig ano, po!? First course ay truffle custard, tapos ang main ay cabernet filet mignon steak served with the house pinto noir. Siyempre ang dessert ay cheesecake sabay after dinner drink na white rum with kahlua. Tapos, ‘pag medyo lasing na siya,,,este, ‘pag busog na pala siya ay sesenyasan ko yung kakutsaba kong waiter na dalhin ang isang long-stemmed red red rose sa table namin. Tapos, yun, tatanungin ko siya (si Christine, hindi yung waiter!) kung handa na ba siyang ibigay na sa akin ang kanyang puri,,,este, ang kanyang pagtitiwala na ako ay ituring nyang higit sa kaibigan lamang.