13
Nov
06

L’Amour Est Bleu, partie trois

"Ang pag-ibig ay isang bagay na hindi dapat paglaruan: kung ang pag-ibig ay isang laruan ay walang katamisan sa puso."

- mula sa Hiwaga ng Pag-ibig ni Balbino B. Nanong. Maynila, 1922.

Friday. Menos dies para ala sais.

Sa bungad pa lang ng chapel ay dinig ko na kaagad ang malamyos na pagtawa ni Christine. Sa sobrang excited na makita siya at ang kanyang cute na dimple ay sadyang napabilis ang lakad ko papunta sa kwartong pagdadausan ng prayer meeting. Subali’t pagdating ko sa silid ay para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa nakita. ‘Andon si Christine sa isang sulok at may kausap na isang lalaki.

Mukhang aliw na aliw siya sa mga sinasabi ng kakwentuhan kasi panay ang labas ng kanyang mga ngipin na para bang alitaptap kung kumutitap. Happeeng-happee ang feeling ng maldita! At yung kupal naman (excuse me for my language, bad trip lang talaga, eh!) if I know, super corny ang mga jokes nya kaya. Ewan ko ba, sobra talagang nag-init ang dugo ko ng mga sandaling yun dahil pakiramdam ko ay namulang bigla ang aking mukha. Hindi ko ma-take ang mga nasasaksihan kung kaya’t naisipan kong lumabas muna at magpalamig ng butsi.

Akmang tatalikod na ako nang marinig ko ang matamis na boses ni Christine patungo sa aking direksyon.

"Uy, Eric!!! Kanina ka pa d’yan? Eto nga pala ang Kuya Ramon kong seminarista. Halika dito!"

Nakahinga ako bigla ng maluwag sa narinig. Abot tenga ang ngiti ko na lumapit sa kanila at nakipagkilala sa kanyang Kuya Ramon. 

Ikine-kwento pala ni Christine sa kanyang kuya yung tungkol sa aksidente kong pagsali sa prayer meeting nung nadatnan ko silang nagtatawanan. Nakitawa na rin ako at sinabi kong nag-eenjoy rin naman talaga ako sa pagdalo. Dagdag ko pa na mula ng magsimula akong mag-meditate sa chapel at pag-aralan ang mga salita ng Diyos ay nagkaroon ako ng peace of mind. Well, medyo exaggerated ‘yun pero kailangan kong magpalakas sa kuya nyang alagad ng Diyos. Tsaka syempre, dagdag pogi points sigurado yun kay Christine.

Maya-maya ng kaunti ay nagdatingan na rin ang ibang mga kakulto at nagsimula ang prayer meeting. Ang hirap mag-concentrate sa pag-pe-praise da lord, kasi iniisip ko kung papaano na yung plano ko mamaya pagkatapos. Purnada ang candle-light dinner dahil siguradong may lakad itong mag-utol pagkatapos. Ngayon lang kasi uli sila nagkita matapos ang tatlong buwang pamamalagi ni Ramon sa Roma. Sorpresa ang pagbalik ng kuya nya sa Pilipinas. Hindi nagpasabi na uuwi at matapos ilagak ang mga bagahe sa bahay ng mga magulang ay doon nga kaagad sa chapel dumiretso upang makita ang kapatid.

Habang humihimig ng mga awiting simbahan ang lahat ay kung saan-saan naman lumilipad ang kukote ko. Kailan kaya ako makakapagtapat kay Christine? Kung maaari ay sa lalong madaling panahon ay masabi ko agad kay Christine ang tunay kong nararamdaman para sa kanya. Ang hirap nitong may tinatago sa puso. Parang bulkang Pinatubo na handang sumabog anumang saglit. Parang dighay na pilit lumabas pagkatapos lumaklak ng isang boteng malamig na San Miguel. Parang utot na…basta, gets mo na siguro gusto kong sabihin.

Maya-maya nang kaunti ay naramdaman ko na lang ang kamay ko na niyuyugyog ni Mang Tonyo.

"Brader Eric, tapos na ang Ama Namin. Bitaw na!", bulong n’ya sa akin.

Pagmulat ko ng aking mga mata ay nakatingin silang lahat sa akin. Hindi maiwasan ng iba ang mapa-bungisngis. Ako naman ay deadma lang, habang lihim na sumulyap sa gawi ni Christine. Kahit siya ay hindi maitago ang pag-ngiti dahil sa biloy na namuo sa kanyang kaliwang pisngi, na kaagad rin namang naglaho ng magtama ang aming mga paningin. Nakakatuwa na parang siya pa ang nahiya sa akin. 

Ang kanyang Kuya Ramon ay pinipigil rin ang pagtawa. Actually, madalas ko siyang mahuling nakatingin sa akin. Pakiramdam ko ay kinikilatis ako nito. Siguradong na-ikwento rin ni Christine dito ang madalas naming pagkikita kung kaya’t alam n’ya na dumidiga ako sa kapatid.




0 Responses to “L’Amour Est Bleu, partie trois”


  1. No Comments

Leave a Reply